Monday, December 14, 2009

SI CAROL AY ISANG BOSCONIAN na madalas magtangka sa aking buhay!

Naranasan niyo na ba ang N.D.E? o tinatawag sa ingles na "Near Death Experience". Ikukwento ko sa inyo ang mga kagimbal-gimbal na mga pangyayari sa aking buhay na naglagay sakin sa peligro. Oo maraming beses na akong muntikan nang ma-tsugi, ma-ospital, mabalian ng buto, matanggalan ng ulo, tumagos sa pader, lumipad sa bubong, makulangan ng tadyang, masunugan ng bahay, at minsan din ay muntikan na akong makapatay dahil sa mga pangyayaring kinatatakutan ko simula nung ako ay bata pa.
Maliban sa paghabol ng mga  tulo laway na asong ulol sa kalye na buti na lang ay hindi ko pa naranasang makagat nila, isa sa mga kinatatakutan kong bagay na maaaring kumitil sa aking buhay anong mang oras... ay ang gapangan, dikitan, dapuan, kagatin, kilitiin, titigan, liparan, habulin o mapagsamantalahan ng isang nakakatakot, nakakadiri, nakakasuka, nakakahilo, nakaka-alis sa tamang pag-iisip at makatindig balahibong IPIS.


Ako na yata ang record holder ng may pinaka-matinding takot at trauma pagdating sa mababanto't na IPIS na ito sa kasaysayan ng pag-iibigang LOTLOT DE LEON at CHRISTOPHER GUTTIEREZ.... at CHRISTINA PANER at CHRIS VILLANUEVA. Tuwing lilitaw sila sa kalagitnaan ng dilim, para akong may "automatic sensor', nararamdaman ko kaagad ang maiitim nilang balak at kung may plano man silang kumitil sa buhay ng isang pobreng manunulat. Ganun pa man nakahanda na ang aking "SUPER WALIS TAMBO" . Nakalagay siya sa gilid ng aking pinto upang maging "SUPER SANDATA" ko ala laser sword ni SHAIDER sa gitna ng Giyerang
"LUKARET VERSUS IPIS". Ngunit madalas ay pinangungunahan ako ng takot at hindi ko nagagawang lumaban sa kanila lalong-lalo na kung masama sila makatitig sa akin at nagbabadya ng paglipad patungo sa aking balikat o mukha, kaya wala na akong ibang magawa kundi ang sumigaw, mag-amok na parang nasapian ng kaluluwa ni CHICHAY at tumakbo palabas ng aking kuwarto.



Iba't-ibang klase na ang nakita kong IPIS sa tanang buhay ko... may manipis, may makapal, may malapad, may makitid, may malaki at may maliit. Iba- iba rin ang kanilang kulay, may maiitim, may namumula, may namumutla, may nag oorange, may puti, may nangingitim at marami pang iba. Ngunit iba- iba man ang kanilang itsura at pinang-galingan, iisa pa rin ang kanilang amoy...amoy IPIS pa rin sila. At sila pa rin ang pinaka madumi at pinaka ma-mikrobyo, pinaka mabaho, pinaka pangit, pinaka malaswa, pinaka masama, pinaka inggitera, pinaka insecure, pinaka plastik, pinaka traidor, pinaka trying hard, pinaka malibog, pinaka manyak, pinaka magnanakaw, pinaka isnatcher, pinaka gaya-gaya, pinaka tanga, pinaka bobo, pinaka jologs at  pinaka EPAL na nilalang ng Diyos.


Sa ibang bansa tulad ng Thailand, ang pagkain ng IPIS ay isang parte ng kanilang kultura. Makikita mo sa bangketa ng kanilang siyudad ang sunod-sunod na kariton ng mga  ma-ma  na nagtitinda ng PRITONG IPIS, kung ba-ga sa Pilipinas ay parang Fishball.Makakakita ka rin ng mga delatang IPIS sa kanilang mga grocery stores. May Cockroach in Tomato sauce, Cockroach in oil, Cockroach in water, Cockroach with carrots, Cockroach in Spanish style, Cockroach with corn, Cockroach with mushroom, ect....parang sardinas lang. Buti na lang sa Pilipinas ako ipinanganak at lumaki, dahil dito sa atin kinamumuhian at hindi ginagalang ang mga IPIS, kung hindi sila ang paboritong patayin ni Lolo at Lola, libangan din sila ng mga batang lansangan, paborito rin silang kainin ng mga GAGAMBANG BAKULAW, at kung minsan din ay napag-tritripan sila ng mga Pusang bad trip dahil walang matambayan.


Noong ako ay nasa Elementarya pa lang, nakapanood ako sa telebisyon ng isang bata na humihingi ng tulong pinansyal para sa pagpapagamot ng kanyang sakit. Nung una kong nakita ang kanyang karamdaman, ang akala ko ay may 'Hydrocephalus"siya na tumubo lang sa kanyang mukha imbis na sa kanyang ulo. Pero mali pala ang akala ko, dahil ang dahilan ng pamamaga at paglobo ng kalahati ng kanyang mukha ay dahil sa IPIS. Oo dahil sa P...... IPIS na yan, na pumasok sa tainga ng bata. Hindi ko rin maubos maisip kung papaano nakapasok ang isang IPIS sa tainga. Pero nangyari siya kaya posible iyon. Hindi lang pala kagat ang dapat katakutan sa IPIS kapag ikaw ay natutulog kundi maaari din pala siyang mag-camping sa loob ng katawan mo...Simula noon hanggang ngayon, sa tuwing matutulog ako kahit saan man ako abutin ng antok ay sinisigurado ko na may nakatakip na bagay sa aking tainga...bulak, kumot, unan, tuwalya, panyo, buhok ko,  kamay ko at minsan kamay ng katabi ko, basta kailangan may takip siya dahil kung wala, hindi rin ako makakatulog...


Minsan din noong ako ay nagaaral pa ng kolehiyo, sumakay ako ng Taxi papasok sa eskwela. Sa highway kasi ang lokasyon ng aking eskwelahan kaya sa highway din ang daan namin, habang ako ay nagbabasa ng aking libro bigla na lang akong napatalon sa kinauupuan ko at napasigaw...may naramdaman kasi akong makating bagay na gumapang sa paa ko. Ipinagdarasal ko nun na sana ay mali ang ini-isip ko tungkol sa naramdaman ko...(sana hindi to IPIS), kaya ng ako ay yumuko para sipatin ang sahig lalong bumilis ang pagtibok ng puso ko...P........ IPIS nga! Hindi lang isa...madami sila. Meron sa sahig, meron sa upuan, meron sa bubong... doon ko rin napansin na ang Taxi na sinasakyan ko ay pugad pala ng IPIS. Nagsisigaw ako at nasabunutan ko ang panot na driver na nagmamaneho ng Taxi. Sa sobrang pagkabigla ni mamang driver na panot, nagpaliko-liko ang kanyang pagmamaneho sa gitna ng highway, at tatlong trailer truck lang naman ang nailagan namin. buti na lang ay magaling magmaneho si panot na driver at hindi kami natuluyang mabunggo...pasintabi, pero lahat ng Mura na natutuhan ko sa tanang buhay ko ay lumabas na sa bibig ko nung mga oras na iyon. Sa dinami-dami ng Taxi na aking masasakyan, bakit sa Taxi pa na ubod ng dumi? sa taxi pa na puno ng IPIS... sa Taxi na hindi ka pwede mag-relax...sa Taxi pa na hindi nililinis...sa Taxi pa na pati ang driver ay hindi naliligo...pinaka malas na araw ko na ata iyon. Kaya ngayon hindi na ako basta-basta pumapasok at umu-upo sa Taxi, tinititigan ko muna ang loob bago ako sumakay.


At dahil sa matinding takot na ito, mangilan-ngilan na rin ang muntikan ng mamatay dahil sa akin. Ang pinaka huli dito ay ang pinakamamahal kong pamangkin. Hindi ko rin maintindihan kung bakit ko naisipang puntahan siya sa kanyang kwarto nung gabing iyon para lang makipagkulitan. Oo minsan talaga ay para akong Retarded kung mabuhay. May mga ginagawa akong mga bagay na hindi normal kuminsan, at pagkatapos kong gawin ito...isinisisi ko na lang sa aming kapit bahay.  Habang ako ay nakikipag-asaran sa aking pamangkin, bigla na lang kaming napatigil sa aming ginagawa, nanigas ang aming katawan, namuo ang aming laway at nagbuhol-buhol ang aming mga ugat sa mata...nakita namin ang isang halang ang bituka at lumilipad na IPIS. Sa sobrang takot na aking naramdaman ay isang bagay agad ang pumasok sa aking isip, and itago ang aking katawan sa malantod na IPIS na gumulo sa aming gabi. Malayo ang unan at wala akong makitang sandata panglaban o pantakip. Dahil katabi ko ang pamangkin kong nakiki-duet sa akin sumigaw, naisipan ko na lang na gamitin ang mura niyang katawan para gamiting Shield laban sa IPIS. Dose anyos na ang aking pamangkin, kaya... kaya na siguro ng buto niya ang mararanasan niya nung gabing iyon. Wala akong nagawa kundi hablutin at dakmain ang kanyang buhok at hawakan ang kanyang binti upang ipanakip sa rumaragasang ulol na IPIS. Sa mga oras na iyon hindi niya nararamdaman ang sakit ng katawan dahil siya ay nawawala na rin sa sariling pag-iisip dahil sa takot. Hanggang dumating ang saklolo ng aking NANAY na galit na galit sa aming ingay. "..... (IPIS lang nagka-ganyan na kayo...akala ko kung ano na....).



Sa totoo lang kahit anong hirap kaya kong danasin...Ipahabol mo na ako sa mga lasing na manananggal, kahit iharap mo ko sa mga white lady ng Balete Drive, o kahit iwan mo ako para makipag-rambol sa sampung Adik ay gagawin ko huwag na huwag mo lang pakitaan o i-expose sa IPIS....


Ito lang ang alam ko at masasabi ko kapag IPIS na ang pinag-uusapan....basta dapat mong malaman at tandaan na AYOKO NG IPIS...TAKOT AKO SA IPIS...AYOKO MAKAKITA NG IPIS, AYOKONG MAKAUSAP ANG IPIS, AYOKONG MAPANAGHINIPAN ANG IPIS, AYOKONG MAPAGTRIPAN NG IPIS, AYOKO NG MUKHANG IPIS, AYOKO NG AMOY IPIS, AYOKO NG LASANG IPIS, AYOKO NG TAYONG IPIS, AYOKO NG PORMANG IPIS, AYOKO NG BOSES IPIS, AYOKO NG UPONG IPIS, AYOKO NG NGITING IPIS, AYOKO NG HIGANG IPIS, AYOKO NG SAYAW IPIS, AYOKO NG LAKAD IPIS, AYOKO NG TAWANANG IPIS, AYOKO NG SULAT IPIS, AYOKO NG NAGMUMUKANG IPIS....BASTA IPIS AYOKO!!! Ikaw gaano kadaming IPIS na ang nakasalamuha mo???

Thursday, December 10, 2009

R.I.P IMEEM

Anak ng pitong bisayang bakla....anong nangyari sa "Imeem"? Kapag i-type mo sa address bar www.imeem.com. mapupunta ka sa "myspace". Ang pinaka malaswa, pinaka bastos, at pinaka walang kwentang "networking" site sa internet, kaya nga binura ko dati pa ang account ko diyan. Kahapon lang nakapag log-in pa ako doon at nagdagdag ng mga MP3. pero ngayon, parang dumaan lang si Ondoy at winasak at tinangay ng abnormal na myspace na yan lahat ng MP3 ko. San na napunta ang lahat ng laman ng Imeem ko? na ganun ganun na lang at binura ng Myspace. Kung sino man ang may gawa nito...sana hindi ka patahimikin ng mga kaluluwang ligaw na mahilig sa mga baklang pakielamerong katulad mo. Kung sino man kayo ay sana ay pag-fiestahan ng mga adik na langgam ang inyong mga puwet tuwing uupo kayo at sana ay bigla na lang sumabog ng bongang bongga ang mga bahay niyo. Mga peste kayo.Mga P.....I.. nyo! Mga P..... I.. nyo! Sana hindi na kayo abutin ng sabado. Paalam Imeem!!!

Saturday, December 5, 2009

NAGTATANONG LANG?

Bakit lahat  ng  magagandang  tanong tumatakbo  sa  isip  ko kung  kelan matutulog  na  ako ?  :P

Thursday, November 19, 2009

SKINNY JEANS

Isang masayang araw ng Miyerkules, pagkagaling ko sa trabaho, naisip kong magsimba sa Baclaran. Matagal-tagal na rin na hindi ko nadadalaw si "Mother Perpetual".Kaya di na ako nagdalawang-isip at pumunta na ako agad doon. Nang matapos ang misa nakaramdam ako ng gutom, pawis na pawis ako nun at parang magku-collapse na ko sa sobrang dami ng tao,kaya nagmamadali na kong makalabas. Di ko na nga nagawang magsindi ng kandila para ialay ko sa lahat ng kampon ni Taning na pagala-gala sa paligid-ligid natin para maghasik ng lagim.Sa ganung paraan baka sakaling makatulong ang dasal ko na kahit papaano eh mabawasan sila, na baka kahit isa man lang sa kanila eh bigla na lang mabagsakan ng bubong habang natutulog.


Paglabas ko ng bakuran ng simbahan, walastik ang dami ng anak ni Adan, sobrang dami talaga ang tao nung araw na iyon. Lugi ka kapag pumunta ka sa Baclaran ng naligo at nagpabango...kasi pagdating mo doon didikit ang mga makikinis mong braso sa braso ng mga amoy bayabas na bulok na "ma-ma", mga lalaking maiitim at bihira maligo...maiitim na singit, mga manong na tanging shorts lang ang suot...mga negrong bungal, at kapag minalas ka pa at may biglang tumulak sa likod mo... baka ang ending mo eh sa mamang nakataas ang pawisan at maiitim na kile-kile na nagbubuhat ng mga karton.


Mapapansin mo din ang maraming sasakyang nasa gitna ng kalsada na hindi naman makausad at parang ginawa na lang nilang parking lot ang daan. Hindi ko rin maintindihan itong mga deboto ni Mother Perpetual...bakit kailangan pa nilang ipilit na ipasok ang sasakyan nila sa parking lot ng simbahan na alam naman nila na sobra ang siksikan at mahirap makahanap ng pwesto sa loob,marami naman parking lot sa labas. Mapapansin mo rin ang dikit-dikit at sunod-sunod na sidewalk vendor sa buong paligid. Sari-sari ang mga paninda nila doon...may bulaklak, religous booklets, Rebulto ng mga santo, T-shirt, shorts, pantalon, palda,tsinelas, gamit pang-eskwela, gamit pang-opisina, gamit pang-bahay,gamit pang-katay at marami pang iba.


Isang bagay lang ang nakakuha ng pansin ko na talagang napilitan akong lumapit kahit na ang buong sikmura ko ay minumura na ko... nakita ko ang isang napakagandang "SKINNY JEANS". Lumapit ako agad sa nakita kong pantalon. Oo isa akong adik sa Skinny jeans, siya ang favorite outfit ko.Iba't-ibang klase at iba't-ibang kulay ang mga skinny jeans ko. Ngunit wala pa ako talagang masasabing paborito kong skinny jeans dahil meron akong partikular na kulay na hindi ko makita sa mall....At ito yung nakita ko sa bangketa ng Baclaran, isa pang problema ko, ang lahat ng skinny jeans ko ay medyo maluwag sa akin, ito din kasi yung mga panahon na nangayayat ako ng sobra. Pumalo ng 90lbs ang timbang ko. Kaya kahit extra small na ang mga sizes ng skinny jeans ko di pa rin siya hapit na hapit sa mga hita ko at tumbong ko. Kapag may nakikita akong babae na nakasuot ng skinny jeans at saktong-sakto sa kanya, naiinggit ako....at itong nakita kong skinny jeans sa bangketa ay sobrang skinny talaga at bonggang-bongga ang kulay, yung kulay na matagal ko ng hinahanap.


Tinanong ko ang tindera...ate magkano ang pantalon niyo? sumagot si ate... ah yang mga "skenny jeans"...P150 lang. Aba.... ("Goodness gracious" "Mother Perpetual")... napakamura pala ng mga bilihin sa bangketa, kung ikukumpara mo sa mga mall pinaka mura na ang P750. Tinanong ko ulit yung tindera: ate bago ba yang mga paninda mo o mga second hand na? sabi ni ate...lahat ng paninda ko puro bago, walang gamit diyan... Sige pili ka na ineng. Di talaga ako makapaniwala sa narinig kong presyo ng skinny jeans at naisip ko agad ang mga skinny jeans ko na ginastusan ko, ang iba dun eh talagang sobrang ginastusan ko, pagkatapos ang masasabing dream skinny jeans ko ay makikita ko lang pala na nakasampay sa bangketa ng Baclaran. Naasar ako at nagtanong ulit: Ate saan galing ang mga paninda mo?  Ate: sa Divisoria.... Kinikilatis kong maigi ang skinny jeans na hawak ko, tinitignan ko kung may tastas o sira, baka  kaya mura siya....o kaya naman baka may itlog ng ipis o may bahay ng langgam na kahit anong oras ay aatake para kagatin ang singit mo...wala naman akong nakita. Nagsalita si Ate: Neng isukat mo na yan...eto o.. ito ang gamitin mo para magpalit...nagulat ako sa iniaabot sa akin ni Ate.. sa isip ko(anak ka ng pitong bisayang palaka!).


Isang nangingitim na SAKO na butas ang magkabilang dulo... para gamitin mo yun, isusuot mo siya na parang palda at pagkatapos nun ay tsaka mo huhubarin ang suot mong shorts,pantalon o kahit na ano...ang silbi nito ay para takpan ang kalahati ng iyong kaluluwa paibaba. tsaka mo isusukat ang pinipili mong pantalon....Teka-teka bigla akong nagulantang sa nakita ko... Parang hindi ko ata kayang maghubad sa gitna ng kalsada na punong-puno ng mga tae este tao na ang tanging nagtatakip sa kalati ng aking kaluluwa paibaba ay isang SAKO...  na puno ng tastas, isang nagingitim na sako at itsura pa lang ay mabaho na...isang sako na mukang pinulot sa  gilid ng isang kariton habang ang may-ari na magbobote ay natutulog sa kabilang gilid...isang sako na mukang pinaglagyan na nang sari-saring bote at garapa ni magbobote bago na-arbor ni ateng tindera ng skinny jeans sa bangketa ng Baclaran. Bigla akong natauhan at nawalan ng gana at narinig kong muli ang pag-aamok ng sikmura ko. Bigla akong tumalikod sa tindera ng hindi nagsasalita at lumakad ng bahag ang aking buntot. Mga sampung metro na ang layo ko,di ko pa rin maalis sa isip ko na gusto ko talaga yung kulay ng skinny jeans na iyon (De P?#!a) trip na trip ko talaga iyon.... yun ang pangarap ko...mahirap hanapin yun...may pagka retro blue ang kulay niya na medyo kupas....(anak ka nannng....) Pero sa totoo lang hindi ako nagsusuot ng mga damit galing "tsangge" o mga peke...hindi ako nagyayabang may mga local clothing line naman tayo na mura katulad ng "BENCH" di ba? imbis na bumili ka ng peke e di bumili ka na lang ng local at least branded.


Nagtatalo ang isip ko...ang isang parte sinasabi niya na tama ang ginawa kong pagwwalk-out, ang isa naman ay nangungulit na sa dami ng mall na pinuntahan ko sa buong kasaysayan ng pagka-humaling ko sa skinny jeans nakita ko rin ang pinaka-pangarap kong skinny jeans at iyon ay natagpuan ko sa bangketa ng mataong Baclaran....pinilit kong kumbinsihin ang sarili ko na huwag ng bumalik doon at pagkatiwalaan ko na lang ang aking "first instinct" na bihira magkamali...sinabi ko sa sarili ko na may makikita pa akong muli niyan sa isang mall at branded pa...pagdating ng panahon...sana. Kinumbinsi ko din ang pagiisip ko na ang pantalong iyon ay maaring maging dahilan ng aking pagkakamatay,bakit? maaaring nagsisinungaling si ate na bago ang mga paninda niya...baka bagong laba o kaya naman bagong nakaw sa sampayan, maaari ring pang isang milyon at isa na akong magsusukat nun... kaya may posibilidad na makakuha ako ng galis,surot,poknat,kulugo, herpes o kahit Aids....


Haaay dumiretso na ako ng lakad at pumasok sa isang foodchain...wow ito pala ang feeling ng aircon parang nakalimutan ko na. Huminga muna ako at nagpahinga ng mga 2 minuto, bago nagisip kung ano ang kakainin. Nang mahimasmasan na ako, pumila na ako.... habang nakatayo ako sa pila may biglang kumalabit sa akin....nilingon ko agad at nakita ko isang babae na may eded na mga 30's, alam ko hindi ko siya kilala...pero nakangiti siya sa akin, ngumiti din ako sa kanya kahit na alam kong ka-retarderan nanaman ang ginagawa ko...hindi kasi normal sakin ang  biglang ngingiti sa taong hindi ko kilala...maliban na lang siguro kung ako ay nawawala na sa tamang pagiisip dahil sa gutom, na kasalukuyan kong nararamdaman nung mga oras na iyon...


Nagsalita yung babae...ikaw yung pumipili ng pantalon kanina di ba? yung makulit na tanong ng tanong... nagulat ako sa hirit nung babae, naisip kong tumalikod at layasan ang foodchain na iyon kahit gutom na gutom na ako...pero hindi ko ginawa, lumingon ako sa likod ko,sa kaliwa,sa kanan...baka kasi nagkamali lang ng kinakausap yung babae...pero hindi... itinuloy pa rin niya ang kwento niya...sabi niya galit na galit daw sa akin yung sidewalk vendor...masyado daw akong matanong di naman pala ako bibili...naisip ko ngayon kung ako ba talaga ang nasisiraan ng ulo o itong babaing kaharap ko? Hindi ako sumagot sa sinabi niya dahil NA-EEPALAN ako sa kanya... binalak kong talikuran siya ngunit bumanat pa ulit siya ng isa nanamang kakila-kilabot na pahayag at tanong... bakit ba hindi mo binili yung skinny jeans? muka namang gusto mo iyon di ba? alam mo mura na iyon...sa mga klase ng tanong na iyon para talagang hindi niya ako palalabasin ng buhay sa naturang foodchain na kinalalagyan ko kapag hindi pa rin ako sumagot sa mga tanong niya....hindi ko kayang sabihin ang totoo sa kanya  dahil hindi ko siya kilala...dahil matalino ako sinabi ko na lang...eh kasi wala na akong budget, siguro sa susunod na lang. Nakakabuwang ang reaksiyon nung babae matapos kong sabihin ang mga katagang binitawan ko....nagtaas siya ng kilay at sabay talikod at sabay layas...

Haaay iba-iba talaga ang karamdaman at kapansanan ng bawat nilalang... Naalala ko tuloy ang isang kanta ng APO Hiking Society "Blue Jeans".  Sumumpa ako na balang araw magagawan ko rin ng artikulo ang favorite outfit ko..."SKINNY JEANS" (hanggang ngayon di ko pa rin nakikita yun favorite skinny jeans ko).

                                            W - A - K - A - S

Wednesday, November 18, 2009

ADIK!

Kung inyong maaalala ang rap song "PRANING" na isinulat at pinasikat ni "FRANCIS M." noong tayo ay wala pang kamuwang muwang sa mundo....ngayon ito na ang bagong bansag sa dating "Mga Praning" na laging gising....ay ADIK na laging sabog....

1) Facebook Serial Killer- taong handang pumatay ng kapatid para lang sa facebook. Makikipagaway sa nakababatang kapatid para siya ang tanging makagamit ng Computer, lahat ay gagawin para mapalayas ang kapatid hanggang lahat ng kasama sa bahay ay nag hi-blood na sa ingay nila.(ADIK!)

2) Hari ng mga tomboy - taong nakilala na ang lahat ng mga lesbyana sa buong pilipinas, daig nya ang kahit na sinong homosexual. siya ang original, at ang iba daw ay "lesbya-lesbyanan lang" According to her lahat daw ng mga babae natikman na nya, at lahat ng pasikut- sikot sa mundo ng lesbyana ay alam na nya. nang tinanong ko sya > lahat ba ng klase ng tomboy pinatulan mo na? sagot nya >HINDI. (ADIK!)

3) Lisa of the year- isang lesbyana na lagi ang bukang bibig ay pag-ibig.Mahilig siya mag advice esp. kapag tungkol sa buhay pag-ibig. According to her masyado ng malalim ang pinagdaanan nya sa pag-ibig. Sya ay tatlumpu't siyam na taong gulang na,buti na lang muka syang bata. pero matanda pa rin cya sa panganay kong ate. tinanong ko sya > gaano katagal ang pinaka matagal mong ralasyon? sagot> 1 year...once a month lang sila magkita at isa syang kabit! (ADIK!) nagiisip ako ngayon...anong pinag-gagawa mo sa loob ng halos 40 taon ng buhay mo? (ADIK!)

4) Blast from the casket - isang lumang kaibigan na after 6 years of non-communication ay bigla na lang susulpot sa buhay mo at magpapasabog ng mga kagimbal-gimbal na mga balita tungkol sa kanya...

Kaibigan: kamusta ka na nickie? grabe alam mo nakarating nko ng "china" para magtrabaho, ako lang ang napili samin sa office, kasi ako lang ang eligible...
Nickie: (masaya) Talaga? wow bonggang- bongga ka!
Kaibigan: at every christmas sa "hongkong" kami ng buong family ko,doon ko sila tini-treat.
Nickie: (masaya) sosyal ka talaga!
Kaibigan: sumasahod ako ng 40k monthly.plus allowance.
Nickie: That's good
Kaibigan: San ka ba nagwowork now?
Nickie: Sa call center...
Kaibigan: magkano sahod mo?
Nickie: ala kalahati lang ng sahod mo minus the tax...

(sa buong araw wala silang pinagusapan kundi ang success ng kaibigan)

****makalipas ang 2 buwan****
Nagkasamang muli ang magkaibigan...

Kaibigan: Nickie parang gusto ko mag-apply sa company mo...
Nickie: (nagulat) bakit? maganda ang trabaho mo sabi mo diba?
Kaibigan: gusto ko ng malaking sweldo...
Nickie: (nagiisip) hmmmm p?#a... Nanggagago ba to?
Kaibigan: (biglang humirit pa ng isa) Nickie pano ba kumuha ng PASSPORT?
Nickie: (naguguluhan) Passport? bakit?
Kaibigan: wala pa kasi ako eh...
Nickie: Kala ko ba nakarating ka na ng ibang bansa? panong wala kang passport?
Kaibigan: wala...hirit ko lang yun para maging malupit naman ako sa paningin mo...
Nickie: (nag mmigraine) -naglalaro sa isip ni nickie (P?#"ng I#a MO...hangang ngayon talkshit ka pa rin) (ADIK!)

5) The Hard Butch- isang lesbyana na mahilig pumorma sa mga babae at ang press release sa lahat ng mga tao at networking sites ay: "I AM A BUTCH" nang aking suriin ang kanyang mga pictures, napansin ko na ang mga damit nya ay malandi pa sa mga damit ni BB Gandang-Hari a.k.a Rustom padilla...at napansin ko ring mas makapal pa sya mag lipstick sa akin. Mayroon din siyang picture na ang tanging suot nya ay "shawl" at tinatakpan lang nito ang kanyang mga "utong". Ano ba talaga ang "Butch"? meron din bang salita... "Ay isa pala akong Baklang Butch!" tanong ko lang....(ADIK!)

6) Ringback Tone Freak - isang taong hindi mo k-close pero tawag ng tawag sa cellphone mo... kapag sinagot mo...hindi sya magsasalita.minsan napikon nko at Nagtext ako "who's this? and Why are u calling?" (kunwari hindi ko cya kilala). pero hindi cya nagrereply...tatawag lang siya ng tatawag, sagutin mo man o hindi. Tinanong ko sarili ko...may ringback tone ba ko? yun lang ba gusto nya marinig? uso pa ba yun? (ADIK!)

7) Maganda Ka Award - isang taong nagplano ng isang malupit na gimik... nang dumating ang araw ng gimik, nagtext siya tuloy tayo mamaya ah,at ang gabing pinakahihintay...ala una na ng madaling araw di pa rin siya nagpapakita at matatapos na ang gimik wala pa rin kahit isang haniho...lahat ng cellphone ng kaibigan nag lowbat na kakatext at kakatawag sa cellphone nya na ring lang ng ring. kinabukasan ng tanghali nagtext si "maganda ka award" holder: galit ka ba? sorry nakalimutan ko....(ADIK!)

8) Buboy Bakla - isang 11 years old na batang lalaki(hindi ako naniniwala), na sa tingin ng lahat ay future "Super Sireyna" candidate ng Eat Bulaga. Kaklase siya ng pamangkin ko at palagi siyang nasa bahay namin. Sabi niya hindi daw siya bakla...pero kahit ganun pa man tuwing nakikita ko siya hindi ko siya tinatawag na buboy dahil hindi naman yun ang totoong pangalan nya, di ko rin siya tinatawag sa first name nya, kundi "hoy bakla" kamusta ka na? mga tipong ganun. Lumilingon naman siya at laging nakangiti. Minsan tinanong siya ng kasama namin sa bahay: Bakla ka ba? bigla siyang tumindig at tumitig na parang akala mo ay lalamunin ka ng buo at biglang sagot HINDI na may kasamang pagkumpas ng kamay. Ok sige irerespeto kita ngayon kasi bata ka pa....kahit alam naman natin na "FUTURE" ka at sana sister itigil mo na rin ang pagre-rehearse mo ng sayaw ni Britney Spears. Peace brother! (ADIK!)

9) He Likes Butch - May isang Boy na matagal nang nanliligaw sa isang maganda at seksing Girl. Ang hindi alam ni Boy, si Girl ay isa pa lang closet king, isang lesbyana na discreet or in L word "Femme" .  Minsan nag-date sila:
Boy: Butch ka ba?
Girl: Excuse me?
Boy: I just want to confirm if your a butch or straight....
Girl? speechless.....
Boy: ibig kong sabihin kung babae ba ang gusto mo talaga? kaya hindi mo pa ako sinasagot til now....
Girl: (napapraning na...) tumatakbo sa isip ni girl: ( anak ka ng pitong bisayang bakla...alam mo ba kung san planeta ka nabuhay?)
Girl: Do you know what you're saying?
Boy: Alam mo okey lang sakin kung butch ka, at least pag nag cheat ka sakin babae din ang papatulan mo. Di ako mahuhurt masyado. (ADIK!)

Teka ano nga ba talaga ibig sabihin ng BUTCH? tanong ko lang ulit. (ADIK)
P.S.
Alam nyo ba? Dahil sa di malilimutang date na ito, binansagang "BUTCH" si girl ng mga kaibigan nyang mga lesbyanang femme din. :) (ADIK!)


10) Sound Freaker - Isang kapitbahay na mahilig mag iskandalo sa pamamagitan ng pagpapatugtog ng malalakas na musiko. Sa araw araw na lang na ginawa ng Diyos, wala siyang ibang alam na tugtog kundi ang musika nila Imelda Poppin, Didit Reyes at kung sinu-sino pang mga antique na musikero. Kasama din sa tracklist niya ang mga theme song ng mga lumang pelikula nila Fernando Poe JR.,Tony Ferrer,Eddie Garcia, at Max Alvarado. Mga Pelikulang may titulong: Babangon Ako't dudurugin kita, Ililibing kita ng buhay, Dadaan ka sa butas ng karayum, Ilulublob kita sa kanal,ect...Minsan naiisip kong mag-amok kapag naririnig ko ang sound trip ni kapitbahay. Isang araw kinailangan namin ang tulong niya para ipalipat yung isang malaking antique na kabinet ng lola ko.Nang matapos, pinipilit ng nanay ko na abutan siya ng pera para pakunswelo sa malufet niyang tulong...ilang beses namin siyang pinilit pero tumanggi siya.Nagulat ako ng sabihin niya na iba na lang daw ang pakunswelo namin sa kanya.Tinanong ko agad kung ano yun? Sabi niya baka pwede na lang daw magpa-burn ng kanta sa computer...natuwa naman ako dahil sa wakas magkakaron na siya ng ibang sound trip at naisip ko na bigyan siya nang sarili kong "genre". Tinanong ko siya ano gusto niya? sumagot siya: OPM. sabi ko anong OPM ba gusto mo mga "acoustics"? Sabi niya sige Ok lang.Ngunit nang papunta nako sa aking kwarto para gawin iyon,biglang humirit pang muli si kapitbahay...ahh Nickie paki-burn na rin ako ng Victor Wood o kaya Claire Dela Fuente. (ADIK!) Nickie(nag-mimigraine nanaman at nagkukulay blue-green ang balat). (ADIK!)

11) "CRASH" ng Bayan - isang lalaking ang tanging paniwala sa kanyang sarili ay siya na ang pinaka magandang lalaki sa balat ng lupa. Lahat daw ng babae sa mundo ay may gusto sa kanya...kapag ang isang chick ay napatingin sa kanya at tumagal ng 2 segundo,tsak na tsak may gusto sa kanya iyon. Kung tatanungin mo ang mga kasamahan niya sa trabaho at nakakakilala sa kanya kung ano ang itsura ng taong ito...isa lang ang ibig sabihin nila: ah si ano....mukang paa na nilublob sa baha, kamukha ni Smeagol matapos mahulog sa apoy, mukang enkanto...ect. Ganun pa man ang bilib nya sa sarili nya ay kakambal siya ni Robin Padilla (after plane crash). Malakas talaga ang fighting spirit nitong lalaki na ito...hindi ko mawari kung anong espirito ang sumanib sa kanya...kung espirito ba ng droga, lambanog, white lady, o espirito ng muriatic acid. Madalas pa itong magyabang na may girlfriend daw siya na kahit minsan ay wala pang nakakita, at halos lahat daw ng babae sa office ay naiskoran na niya(alam kaya ng mga babae yun?) Minsan nagkita sila ng kakilala ko...nakita niyang angsama daw ng muka nitong si "crash" ng bayan...teka alam na natin masama talaga ang pagmumuka niya pero sa pagkakataong ito mangiyak-ngiyak daw...tinanong niya kung bakit? natanggal pala sa trabaho...hindi sinabi ni "crash" ng bayan kung bakit...ngunit napagalaman namin, kaya pala natanggal siya eh dahil sa patong- patong na kaso ng "sexual harrassment" (ADIK!) (ADIK!) (ADIK!)

12) "ABNORMAL Activity" - one day isang taong tawagin na lang natin siyang "ACE" nakipag-inuman sa isang kaibigan.Si Kaibigan nagdala ng DVD movie "Paranormal Activity" at alak.Pinanood nila habang nagiinuman,Matapos ang drinking session.Umuwi na si kaibigan at si Ace ay nakipaglandian sa text (Hi babe... I miss you babe...I'm feeling HOT right now...konti na lang maghuhubad na ko...) Maya-maya pa ay lumingon si Ace sa tabi ng kanyang kama at bigla na lng siyang NAPATALON...NAPASIGAW ng wala na sa poise...NAPAMURA...AT NAGTATAKBO...dahil sa kanyang nakita, nanigas ang kanyang katawan at lumabas ang lahat ng ugat sa mata dahil sa takot...isang puting "figure" na nakatayo sa gilid ng kanyang kama....lumipas ang tatlong minuto, habang bumabagal ang kanyang hingal ay unti-unti rin na lumilinaw ang "figure" sa kanyang paningin. Isa pala itong "ACE hardware" large white plastic bag na may lamang "christmas lights" na nakalagay sa karton.Naiwan ito ni kaibigan sa kanyang kwarto.Natauhan si Ace at nawala ang makamundong pagnanasa simula nun.(ADIK!) tanong ko lang: ito ba ay epekto nang nasabing pelikula? o dahil sa alak? o dahil sa tanghaling tapat? Paalala: wag manonood ng "paranormal activity"at huwag iinom ng Vodka sa tanghaling tapat (HUWAG TULARAN).(ADIK!)

13) ('.') - taong walang magawa sa buhay na ang tanging kontribusyon niyang nagawa sa kasaysayan ng Pilipinas ay maging EPAL... siya rin ang GUMAWA NG BLOG NA ITO :)  (ADIK!)   :)

14) ('.') - Taong wala ring magawa sa buhay at nagpauto sa gumawa ng blog na ito at kasalukuyang nagiisip kung isa siya sa mga "adik" na ito. Siya din ang kasalukuyang nagbabasa ng walang katuturang blog na ito...     : )  (ADIK!)  :)

To be continued.....

I WANT YOU

I have decided to create this blog just to be seen by You. I admit I am jealous of You....Nobody else but You...