Thursday, November 19, 2009

SKINNY JEANS

Isang masayang araw ng Miyerkules, pagkagaling ko sa trabaho, naisip kong magsimba sa Baclaran. Matagal-tagal na rin na hindi ko nadadalaw si "Mother Perpetual".Kaya di na ako nagdalawang-isip at pumunta na ako agad doon. Nang matapos ang misa nakaramdam ako ng gutom, pawis na pawis ako nun at parang magku-collapse na ko sa sobrang dami ng tao,kaya nagmamadali na kong makalabas. Di ko na nga nagawang magsindi ng kandila para ialay ko sa lahat ng kampon ni Taning na pagala-gala sa paligid-ligid natin para maghasik ng lagim.Sa ganung paraan baka sakaling makatulong ang dasal ko na kahit papaano eh mabawasan sila, na baka kahit isa man lang sa kanila eh bigla na lang mabagsakan ng bubong habang natutulog.


Paglabas ko ng bakuran ng simbahan, walastik ang dami ng anak ni Adan, sobrang dami talaga ang tao nung araw na iyon. Lugi ka kapag pumunta ka sa Baclaran ng naligo at nagpabango...kasi pagdating mo doon didikit ang mga makikinis mong braso sa braso ng mga amoy bayabas na bulok na "ma-ma", mga lalaking maiitim at bihira maligo...maiitim na singit, mga manong na tanging shorts lang ang suot...mga negrong bungal, at kapag minalas ka pa at may biglang tumulak sa likod mo... baka ang ending mo eh sa mamang nakataas ang pawisan at maiitim na kile-kile na nagbubuhat ng mga karton.


Mapapansin mo din ang maraming sasakyang nasa gitna ng kalsada na hindi naman makausad at parang ginawa na lang nilang parking lot ang daan. Hindi ko rin maintindihan itong mga deboto ni Mother Perpetual...bakit kailangan pa nilang ipilit na ipasok ang sasakyan nila sa parking lot ng simbahan na alam naman nila na sobra ang siksikan at mahirap makahanap ng pwesto sa loob,marami naman parking lot sa labas. Mapapansin mo rin ang dikit-dikit at sunod-sunod na sidewalk vendor sa buong paligid. Sari-sari ang mga paninda nila doon...may bulaklak, religous booklets, Rebulto ng mga santo, T-shirt, shorts, pantalon, palda,tsinelas, gamit pang-eskwela, gamit pang-opisina, gamit pang-bahay,gamit pang-katay at marami pang iba.


Isang bagay lang ang nakakuha ng pansin ko na talagang napilitan akong lumapit kahit na ang buong sikmura ko ay minumura na ko... nakita ko ang isang napakagandang "SKINNY JEANS". Lumapit ako agad sa nakita kong pantalon. Oo isa akong adik sa Skinny jeans, siya ang favorite outfit ko.Iba't-ibang klase at iba't-ibang kulay ang mga skinny jeans ko. Ngunit wala pa ako talagang masasabing paborito kong skinny jeans dahil meron akong partikular na kulay na hindi ko makita sa mall....At ito yung nakita ko sa bangketa ng Baclaran, isa pang problema ko, ang lahat ng skinny jeans ko ay medyo maluwag sa akin, ito din kasi yung mga panahon na nangayayat ako ng sobra. Pumalo ng 90lbs ang timbang ko. Kaya kahit extra small na ang mga sizes ng skinny jeans ko di pa rin siya hapit na hapit sa mga hita ko at tumbong ko. Kapag may nakikita akong babae na nakasuot ng skinny jeans at saktong-sakto sa kanya, naiinggit ako....at itong nakita kong skinny jeans sa bangketa ay sobrang skinny talaga at bonggang-bongga ang kulay, yung kulay na matagal ko ng hinahanap.


Tinanong ko ang tindera...ate magkano ang pantalon niyo? sumagot si ate... ah yang mga "skenny jeans"...P150 lang. Aba.... ("Goodness gracious" "Mother Perpetual")... napakamura pala ng mga bilihin sa bangketa, kung ikukumpara mo sa mga mall pinaka mura na ang P750. Tinanong ko ulit yung tindera: ate bago ba yang mga paninda mo o mga second hand na? sabi ni ate...lahat ng paninda ko puro bago, walang gamit diyan... Sige pili ka na ineng. Di talaga ako makapaniwala sa narinig kong presyo ng skinny jeans at naisip ko agad ang mga skinny jeans ko na ginastusan ko, ang iba dun eh talagang sobrang ginastusan ko, pagkatapos ang masasabing dream skinny jeans ko ay makikita ko lang pala na nakasampay sa bangketa ng Baclaran. Naasar ako at nagtanong ulit: Ate saan galing ang mga paninda mo?  Ate: sa Divisoria.... Kinikilatis kong maigi ang skinny jeans na hawak ko, tinitignan ko kung may tastas o sira, baka  kaya mura siya....o kaya naman baka may itlog ng ipis o may bahay ng langgam na kahit anong oras ay aatake para kagatin ang singit mo...wala naman akong nakita. Nagsalita si Ate: Neng isukat mo na yan...eto o.. ito ang gamitin mo para magpalit...nagulat ako sa iniaabot sa akin ni Ate.. sa isip ko(anak ka ng pitong bisayang palaka!).


Isang nangingitim na SAKO na butas ang magkabilang dulo... para gamitin mo yun, isusuot mo siya na parang palda at pagkatapos nun ay tsaka mo huhubarin ang suot mong shorts,pantalon o kahit na ano...ang silbi nito ay para takpan ang kalahati ng iyong kaluluwa paibaba. tsaka mo isusukat ang pinipili mong pantalon....Teka-teka bigla akong nagulantang sa nakita ko... Parang hindi ko ata kayang maghubad sa gitna ng kalsada na punong-puno ng mga tae este tao na ang tanging nagtatakip sa kalati ng aking kaluluwa paibaba ay isang SAKO...  na puno ng tastas, isang nagingitim na sako at itsura pa lang ay mabaho na...isang sako na mukang pinulot sa  gilid ng isang kariton habang ang may-ari na magbobote ay natutulog sa kabilang gilid...isang sako na mukang pinaglagyan na nang sari-saring bote at garapa ni magbobote bago na-arbor ni ateng tindera ng skinny jeans sa bangketa ng Baclaran. Bigla akong natauhan at nawalan ng gana at narinig kong muli ang pag-aamok ng sikmura ko. Bigla akong tumalikod sa tindera ng hindi nagsasalita at lumakad ng bahag ang aking buntot. Mga sampung metro na ang layo ko,di ko pa rin maalis sa isip ko na gusto ko talaga yung kulay ng skinny jeans na iyon (De P?#!a) trip na trip ko talaga iyon.... yun ang pangarap ko...mahirap hanapin yun...may pagka retro blue ang kulay niya na medyo kupas....(anak ka nannng....) Pero sa totoo lang hindi ako nagsusuot ng mga damit galing "tsangge" o mga peke...hindi ako nagyayabang may mga local clothing line naman tayo na mura katulad ng "BENCH" di ba? imbis na bumili ka ng peke e di bumili ka na lang ng local at least branded.


Nagtatalo ang isip ko...ang isang parte sinasabi niya na tama ang ginawa kong pagwwalk-out, ang isa naman ay nangungulit na sa dami ng mall na pinuntahan ko sa buong kasaysayan ng pagka-humaling ko sa skinny jeans nakita ko rin ang pinaka-pangarap kong skinny jeans at iyon ay natagpuan ko sa bangketa ng mataong Baclaran....pinilit kong kumbinsihin ang sarili ko na huwag ng bumalik doon at pagkatiwalaan ko na lang ang aking "first instinct" na bihira magkamali...sinabi ko sa sarili ko na may makikita pa akong muli niyan sa isang mall at branded pa...pagdating ng panahon...sana. Kinumbinsi ko din ang pagiisip ko na ang pantalong iyon ay maaring maging dahilan ng aking pagkakamatay,bakit? maaaring nagsisinungaling si ate na bago ang mga paninda niya...baka bagong laba o kaya naman bagong nakaw sa sampayan, maaari ring pang isang milyon at isa na akong magsusukat nun... kaya may posibilidad na makakuha ako ng galis,surot,poknat,kulugo, herpes o kahit Aids....


Haaay dumiretso na ako ng lakad at pumasok sa isang foodchain...wow ito pala ang feeling ng aircon parang nakalimutan ko na. Huminga muna ako at nagpahinga ng mga 2 minuto, bago nagisip kung ano ang kakainin. Nang mahimasmasan na ako, pumila na ako.... habang nakatayo ako sa pila may biglang kumalabit sa akin....nilingon ko agad at nakita ko isang babae na may eded na mga 30's, alam ko hindi ko siya kilala...pero nakangiti siya sa akin, ngumiti din ako sa kanya kahit na alam kong ka-retarderan nanaman ang ginagawa ko...hindi kasi normal sakin ang  biglang ngingiti sa taong hindi ko kilala...maliban na lang siguro kung ako ay nawawala na sa tamang pagiisip dahil sa gutom, na kasalukuyan kong nararamdaman nung mga oras na iyon...


Nagsalita yung babae...ikaw yung pumipili ng pantalon kanina di ba? yung makulit na tanong ng tanong... nagulat ako sa hirit nung babae, naisip kong tumalikod at layasan ang foodchain na iyon kahit gutom na gutom na ako...pero hindi ko ginawa, lumingon ako sa likod ko,sa kaliwa,sa kanan...baka kasi nagkamali lang ng kinakausap yung babae...pero hindi... itinuloy pa rin niya ang kwento niya...sabi niya galit na galit daw sa akin yung sidewalk vendor...masyado daw akong matanong di naman pala ako bibili...naisip ko ngayon kung ako ba talaga ang nasisiraan ng ulo o itong babaing kaharap ko? Hindi ako sumagot sa sinabi niya dahil NA-EEPALAN ako sa kanya... binalak kong talikuran siya ngunit bumanat pa ulit siya ng isa nanamang kakila-kilabot na pahayag at tanong... bakit ba hindi mo binili yung skinny jeans? muka namang gusto mo iyon di ba? alam mo mura na iyon...sa mga klase ng tanong na iyon para talagang hindi niya ako palalabasin ng buhay sa naturang foodchain na kinalalagyan ko kapag hindi pa rin ako sumagot sa mga tanong niya....hindi ko kayang sabihin ang totoo sa kanya  dahil hindi ko siya kilala...dahil matalino ako sinabi ko na lang...eh kasi wala na akong budget, siguro sa susunod na lang. Nakakabuwang ang reaksiyon nung babae matapos kong sabihin ang mga katagang binitawan ko....nagtaas siya ng kilay at sabay talikod at sabay layas...

Haaay iba-iba talaga ang karamdaman at kapansanan ng bawat nilalang... Naalala ko tuloy ang isang kanta ng APO Hiking Society "Blue Jeans".  Sumumpa ako na balang araw magagawan ko rin ng artikulo ang favorite outfit ko..."SKINNY JEANS" (hanggang ngayon di ko pa rin nakikita yun favorite skinny jeans ko).

                                            W - A - K - A - S

1 comment: