Naranasan niyo na ba ang N.D.E? o tinatawag sa ingles na "Near Death Experience". Ikukwento ko sa inyo ang mga kagimbal-gimbal na mga pangyayari sa aking buhay na naglagay sakin sa peligro. Oo maraming beses na akong muntikan nang ma-tsugi, ma-ospital, mabalian ng buto, matanggalan ng ulo, tumagos sa pader, lumipad sa bubong, makulangan ng tadyang, masunugan ng bahay, at minsan din ay muntikan na akong makapatay dahil sa mga pangyayaring kinatatakutan ko simula nung ako ay bata pa.
Maliban sa paghabol ng mga tulo laway na asong ulol sa kalye na buti na lang ay hindi ko pa naranasang makagat nila, isa sa mga kinatatakutan kong bagay na maaaring kumitil sa aking buhay anong mang oras... ay ang gapangan, dikitan, dapuan, kagatin, kilitiin, titigan, liparan, habulin o mapagsamantalahan ng isang nakakatakot, nakakadiri, nakakasuka, nakakahilo, nakaka-alis sa tamang pag-iisip at makatindig balahibong IPIS.
Ako na yata ang record holder ng may pinaka-matinding takot at trauma pagdating sa mababanto't na IPIS na ito sa kasaysayan ng pag-iibigang LOTLOT DE LEON at CHRISTOPHER GUTTIEREZ.... at CHRISTINA PANER at CHRIS VILLANUEVA. Tuwing lilitaw sila sa kalagitnaan ng dilim, para akong may "automatic sensor', nararamdaman ko kaagad ang maiitim nilang balak at kung may plano man silang kumitil sa buhay ng isang pobreng manunulat. Ganun pa man nakahanda na ang aking "SUPER WALIS TAMBO" . Nakalagay siya sa gilid ng aking pinto upang maging "SUPER SANDATA" ko ala laser sword ni SHAIDER sa gitna ng Giyerang
"LUKARET VERSUS IPIS". Ngunit madalas ay pinangungunahan ako ng takot at hindi ko nagagawang lumaban sa kanila lalong-lalo na kung masama sila makatitig sa akin at nagbabadya ng paglipad patungo sa aking balikat o mukha, kaya wala na akong ibang magawa kundi ang sumigaw, mag-amok na parang nasapian ng kaluluwa ni CHICHAY at tumakbo palabas ng aking kuwarto.
Iba't-ibang klase na ang nakita kong IPIS sa tanang buhay ko... may manipis, may makapal, may malapad, may makitid, may malaki at may maliit. Iba- iba rin ang kanilang kulay, may maiitim, may namumula, may namumutla, may nag oorange, may puti, may nangingitim at marami pang iba. Ngunit iba- iba man ang kanilang itsura at pinang-galingan, iisa pa rin ang kanilang amoy...amoy IPIS pa rin sila. At sila pa rin ang pinaka madumi at pinaka ma-mikrobyo, pinaka mabaho, pinaka pangit, pinaka malaswa, pinaka masama, pinaka inggitera, pinaka insecure, pinaka plastik, pinaka traidor, pinaka trying hard, pinaka malibog, pinaka manyak, pinaka magnanakaw, pinaka isnatcher, pinaka gaya-gaya, pinaka tanga, pinaka bobo, pinaka jologs at pinaka EPAL na nilalang ng Diyos.
Sa ibang bansa tulad ng Thailand, ang pagkain ng IPIS ay isang parte ng kanilang kultura. Makikita mo sa bangketa ng kanilang siyudad ang sunod-sunod na kariton ng mga ma-ma na nagtitinda ng PRITONG IPIS, kung ba-ga sa Pilipinas ay parang Fishball.Makakakita ka rin ng mga delatang IPIS sa kanilang mga grocery stores. May Cockroach in Tomato sauce, Cockroach in oil, Cockroach in water, Cockroach with carrots, Cockroach in Spanish style, Cockroach with corn, Cockroach with mushroom, ect....parang sardinas lang. Buti na lang sa Pilipinas ako ipinanganak at lumaki, dahil dito sa atin kinamumuhian at hindi ginagalang ang mga IPIS, kung hindi sila ang paboritong patayin ni Lolo at Lola, libangan din sila ng mga batang lansangan, paborito rin silang kainin ng mga GAGAMBANG BAKULAW, at kung minsan din ay napag-tritripan sila ng mga Pusang bad trip dahil walang matambayan.
Noong ako ay nasa Elementarya pa lang, nakapanood ako sa telebisyon ng isang bata na humihingi ng tulong pinansyal para sa pagpapagamot ng kanyang sakit. Nung una kong nakita ang kanyang karamdaman, ang akala ko ay may 'Hydrocephalus"siya na tumubo lang sa kanyang mukha imbis na sa kanyang ulo. Pero mali pala ang akala ko, dahil ang dahilan ng pamamaga at paglobo ng kalahati ng kanyang mukha ay dahil sa IPIS. Oo dahil sa P...... IPIS na yan, na pumasok sa tainga ng bata. Hindi ko rin maubos maisip kung papaano nakapasok ang isang IPIS sa tainga. Pero nangyari siya kaya posible iyon. Hindi lang pala kagat ang dapat katakutan sa IPIS kapag ikaw ay natutulog kundi maaari din pala siyang mag-camping sa loob ng katawan mo...Simula noon hanggang ngayon, sa tuwing matutulog ako kahit saan man ako abutin ng antok ay sinisigurado ko na may nakatakip na bagay sa aking tainga...bulak, kumot, unan, tuwalya, panyo, buhok ko, kamay ko at minsan kamay ng katabi ko, basta kailangan may takip siya dahil kung wala, hindi rin ako makakatulog...
Minsan din noong ako ay nagaaral pa ng kolehiyo, sumakay ako ng Taxi papasok sa eskwela. Sa highway kasi ang lokasyon ng aking eskwelahan kaya sa highway din ang daan namin, habang ako ay nagbabasa ng aking libro bigla na lang akong napatalon sa kinauupuan ko at napasigaw...may naramdaman kasi akong makating bagay na gumapang sa paa ko. Ipinagdarasal ko nun na sana ay mali ang ini-isip ko tungkol sa naramdaman ko...(sana hindi to IPIS), kaya ng ako ay yumuko para sipatin ang sahig lalong bumilis ang pagtibok ng puso ko...P........ IPIS nga! Hindi lang isa...madami sila. Meron sa sahig, meron sa upuan, meron sa bubong... doon ko rin napansin na ang Taxi na sinasakyan ko ay pugad pala ng IPIS. Nagsisigaw ako at nasabunutan ko ang panot na driver na nagmamaneho ng Taxi. Sa sobrang pagkabigla ni mamang driver na panot, nagpaliko-liko ang kanyang pagmamaneho sa gitna ng highway, at tatlong trailer truck lang naman ang nailagan namin. buti na lang ay magaling magmaneho si panot na driver at hindi kami natuluyang mabunggo...pasintabi, pero lahat ng Mura na natutuhan ko sa tanang buhay ko ay lumabas na sa bibig ko nung mga oras na iyon. Sa dinami-dami ng Taxi na aking masasakyan, bakit sa Taxi pa na ubod ng dumi? sa taxi pa na puno ng IPIS... sa Taxi na hindi ka pwede mag-relax...sa Taxi pa na hindi nililinis...sa Taxi pa na pati ang driver ay hindi naliligo...pinaka malas na araw ko na ata iyon. Kaya ngayon hindi na ako basta-basta pumapasok at umu-upo sa Taxi, tinititigan ko muna ang loob bago ako sumakay.
At dahil sa matinding takot na ito, mangilan-ngilan na rin ang muntikan ng mamatay dahil sa akin. Ang pinaka huli dito ay ang pinakamamahal kong pamangkin. Hindi ko rin maintindihan kung bakit ko naisipang puntahan siya sa kanyang kwarto nung gabing iyon para lang makipagkulitan. Oo minsan talaga ay para akong Retarded kung mabuhay. May mga ginagawa akong mga bagay na hindi normal kuminsan, at pagkatapos kong gawin ito...isinisisi ko na lang sa aming kapit bahay. Habang ako ay nakikipag-asaran sa aking pamangkin, bigla na lang kaming napatigil sa aming ginagawa, nanigas ang aming katawan, namuo ang aming laway at nagbuhol-buhol ang aming mga ugat sa mata...nakita namin ang isang halang ang bituka at lumilipad na IPIS. Sa sobrang takot na aking naramdaman ay isang bagay agad ang pumasok sa aking isip, and itago ang aking katawan sa malantod na IPIS na gumulo sa aming gabi. Malayo ang unan at wala akong makitang sandata panglaban o pantakip. Dahil katabi ko ang pamangkin kong nakiki-duet sa akin sumigaw, naisipan ko na lang na gamitin ang mura niyang katawan para gamiting Shield laban sa IPIS. Dose anyos na ang aking pamangkin, kaya... kaya na siguro ng buto niya ang mararanasan niya nung gabing iyon. Wala akong nagawa kundi hablutin at dakmain ang kanyang buhok at hawakan ang kanyang binti upang ipanakip sa rumaragasang ulol na IPIS. Sa mga oras na iyon hindi niya nararamdaman ang sakit ng katawan dahil siya ay nawawala na rin sa sariling pag-iisip dahil sa takot. Hanggang dumating ang saklolo ng aking NANAY na galit na galit sa aming ingay. "..... (IPIS lang nagka-ganyan na kayo...akala ko kung ano na....).
Sa totoo lang kahit anong hirap kaya kong danasin...Ipahabol mo na ako sa mga lasing na manananggal, kahit iharap mo ko sa mga white lady ng Balete Drive, o kahit iwan mo ako para makipag-rambol sa sampung Adik ay gagawin ko huwag na huwag mo lang pakitaan o i-expose sa IPIS....
Ito lang ang alam ko at masasabi ko kapag IPIS na ang pinag-uusapan....basta dapat mong malaman at tandaan na AYOKO NG IPIS...TAKOT AKO SA IPIS...AYOKO MAKAKITA NG IPIS, AYOKONG MAKAUSAP ANG IPIS, AYOKONG MAPANAGHINIPAN ANG IPIS, AYOKONG MAPAGTRIPAN NG IPIS, AYOKO NG MUKHANG IPIS, AYOKO NG AMOY IPIS, AYOKO NG LASANG IPIS, AYOKO NG TAYONG IPIS, AYOKO NG PORMANG IPIS, AYOKO NG BOSES IPIS, AYOKO NG UPONG IPIS, AYOKO NG NGITING IPIS, AYOKO NG HIGANG IPIS, AYOKO NG SAYAW IPIS, AYOKO NG LAKAD IPIS, AYOKO NG TAWANANG IPIS, AYOKO NG SULAT IPIS, AYOKO NG NAGMUMUKANG IPIS....BASTA IPIS AYOKO!!! Ikaw gaano kadaming IPIS na ang nakasalamuha mo???
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
.jpg)
AYOKO TALAGA NG IPIS
ReplyDelete